nag text ang erpat ko. sabi niya, "dapat ipinagmamalaki mo ako."
kinakausap ako ng isipan ko. "ano naman kaya ang nangyari."
sabi niya, "pinaglalaban ko ang mga lesbiana sa mundong 'to."
naguluhan ako ng konte. "lalo na kay mama."
"yan din. pero iba. sa mga suki kong kontraktor."
gusto kong makiusyoso sa pinagusapan nila. "o anong nangyari?"
"yung kontraktor may kinakausap na isa pang kontraktor. sabi nila ang mga lesbiana daw at mga bakla ay dapat wag ng lumabas sa pinagkakataguan nila kasi mga imoral sila. wala silang karapatan magpakasal."
iniisip ko, "eto nanaman po tayo sa mga taong makikitid ang utak."
tinanong ko si erpat, "o anong sinabi mo sa kanila?"
"prinangkahan ko sila at sinabihan na wala na yun sa inyo kung anong ginagawa at gusto nilang gawin. karapatan nila iyon. at kung hindi niyo yun maiintindihan, lumabas kayo sa tindahan ko!"
*ako'y tahimik na pumapalakpak at nagdiriwang sa isipan ko*
"nag wagi ang mga lesbiana at bading!"

kung ganyan lang sana kadali manalo ang mga lesbiana at mga bading, wala na sana tayong dapat ikabahala sa panahong ito. hindi na sana tayo takot lumabas sa pinagkakataguan natin kasi tangap na tayo ng sanlipunan. wala na sanang takot na mapalayas kasi babae ang anak nila at hindi "lalake." wala na sanang kelangan magpangap para lang matangap sila ng mga taong pinapahalagaan nila. Matagal na sanang napakilala ang mga kabiak sa buhay sa mga magulang ng walang takot na baka paghiwalayin sila. wala na sanang buhay na nasasayang kasi napaginitan sila dahil lesbiana o bakla sila.

ang mundong ito talaga o kay hirap intindihin. kahit na nasa bagong siglo na tayo, pakiramdam ko wala pa ding nagbago. syempre, mahirap talaga baguhin ang isang ugali. paano na kaya pag ang pagkatao ng isang lesbiana o bading ay gustong baguhin ng mga magulang nila o mga kaibigan nila kasi "mali" daw iyon? hindi bang mas mahirap iyon?

para sa akin, ang pagkatao ng isang indibiduwal ay nakalilok na sa simula pa lamang. may plano na ang diyos sa bawat tao na nilalagay niya sa mundong ito. naka mapa na ang ating hinaharap at tayo na ang bahala sa pag diskubre ng ating tadhana. nilagay niya tayo dito sa mundo para mag mahalan at hindi para masuklam sa taong hindi sumusunod sa estadong "normal."

ano nga ba sa mundong ito ang matatawag na normal? ano ba ang tama at ano ang mali? paano nasasabi na katanggap tanggap ang idea ng isang tao o hindi? ano ba ang naaakma at hindi akma? ano ba ang dapat at hindi nararapat gawin? sino ang may kapangyarihan para magpasya at maghusga sa buhay ng isang tao?

alam ko meron tayong mga "alagad ng hustisya." meron tayong mga pulis at huwes bilang taga sugpo ng krimen, mga guro para magturo ng leksyon, kaibigan para hindi nakakabagot ang buhay, at mga magulang para mamalo at mangurot ng singit pag bumagsak sa paaralan. yan ang alagad ng hustisya ko (maliban sa pangungurot ng singit. walang hustisya dun!) pero sino nga ba ang may karapatang ipagkait ang pribilihiyong magmahal? wala. walang sino man ang may karapatang pag bawalan ang isang tao na mag mahal. babae, lalake, bakla, at lesbiana, lahat merong karapatang mahalin ang taong gusto nila. alam kong hindi ito tanggap ng kulturang pilipino. nakatatak na sa ating isipan na "ang babae ay para sa lalake at ang lalake ay para sa babae lamang." pero masama bang mag mahal?

hindi ko alam kung hanggang kelan tayo lalaban para sa ating mga karapatan. hindi ko alam kung kelan matatangap ng lipunan ang mga lesbiana at mga bading. hindi ko alam kung kelan darating ang araw na hindi na tayo dapat matakot para sa ating buhay. ang alam ko lang, hindi masama mag mahal. mas masama ang masuklam sa mga taong walang ibang ginawa kundi mag mahal.

ang erpat kong pogi talaga. kasalanan niya kung bakit ako napaisip ng ganito ka lalim.